Pagpupugay at Paninindigan: Isang Personal na Pagmumuni sa International Nurses Day 2026

Ang propesyon ng pag aalaga ay nakaugat sa malasakit, at ang malasakit na ito ay nararapat ding ipakita sa mga nars mismo.

Pagpupugay at Paninindigan: Isang Personal na Pagmumuni sa International Nurses Day 2026

Sa Panulat Ni: Floro Cubelo, PhD, MPH, RN, CGNC, FFNMRCSI, FETNA

Ngayong pandaigdigang araw ng mga narses, mas lalo kong nararamdaman ang lalim at bigat ng propesyon na aking piniling tahakin. Ang araw na ito ay hindi lamang selebrasyon ng ating kakayahan at serbisyo, kundi paalala rin ng kolektibong karanasan ng mga nars, lalo na ng mga Pilipinong nars na patuloy na tumatahak sa landas ng migrasyon. Bilang isang Pilipinong nars na naninirahan at nagtatrabaho sa dakong Nordiko, dala ko ang parehong pagmamataas at pananagutan na ikuwento ang mga karanasang madalas ay nananatiling nasa gilid ng mga opisyal na ulat at polisiya.

Sa aking mga pananaliksik at personal na pakikipag ugnayan sa mga Pilipinong nars, malinaw na ang desisyong mangibang bansa ay bihirang simpleng pagpili. Isa itong hakbang na sinasamahan ng pag asa, pangamba, at malalim na sakripisyo. Ang pag iwan sa pamilya, ang pag abot sa mga anak sa pamamagitan lamang ng video call, at ang patuloy na pakikibagay sa bagong wika at kultura ay bahagi ng araw araw na buhay ng migranteng nars. Marami sa kanila ang dumating sa Nordics bitbit ang matibay na karanasan at propesyonal na identidad, ngunit sa pagdating ay kinailangang magsimula muli sa mga posisyong malayo sa kanilang pinag aralan at kakayahan.

Sa nakalipas na limang taon, hindi mabilang ang mga pagkakataong ako ay nilapitan upang pakinggan ang mga salaysay ng pang aabuso at kawalan ng katarungan. May mga kuwento ng labis na bayarin sa recruitment, pangakong sahod at tungkulin na hindi natupad, at kontratang hindi lubusang naipaliwanag bago ang pag alis mula sa Pilipinas. Mayroon ding mga karanasang hindi agad nakikita ng publiko, tulad ng tahimik na diskriminasyon sa lugar ng trabaho, ang pakiramdam ng pagiging laging banyaga, at ang pagdududa sa sariling halaga bilang propesyonal.

Habang tumatagal, ako ay napapaisip kung ang mga ganitong kalagayan ay nagiging bahagi na lamang ng tinatanggap na sistema. May mga nars na pinipiling manahimik dahil sa takot na mawalan ng trabaho o maapektuhan ang kanilang paninirahan. May ilan na nagsasabing mas mabuting magtiis kaysa lumaban sa isang sistemang tila mas malakas sa kanila. Ang katahimikang ito ay hindi kawalan ng tapang, kundi bunga ng kawalan ng sapat na proteksyon at tiwala na may makikinig at kikilos.

Bilang isang mananaliksik at lider ng komunidad, dapat nating ipagpatuloy ang paglalantad sa mga isyung ito at itulak ang mas etikal at makatarungang mga proseso ng recruitment at integrasyon. Ang datos at ebidensya ay malinaw, ngunit higit pa rito, ang mga kuwento ng mga nars ang patuloy na humuhubog sa aking paninindigan. Ang mga ito ang nagpapaalala sa akin kung bakit mahalagang isama ang boses ng migranteng nars sa paggawa ng polisiya at mga desisyong direktang nakaaapekto sa kanilang buhay.

Sa pagdiriwang na ito, nais kong ipaabot ang aking malalim na paggalang sa bawat Pilipinong nars na patuloy na naglilingkod sa kabila ng pagod, pangungulila, at mga hamon. Ang inyong lakas ay hindi nasusukat sa oras ng trabaho lamang, kundi sa araw araw na pagpiling magpatuloy kahit mahirap. Nawa ang pandaigdigang araw ng mga narses ay magsilbing paalala hindi lamang ng ating kontribusyon, kundi ng ating karapatan sa dignidad, katarungan, at seguridad. Ang propesyon ng pag aalaga ay nakaugat sa malasakit, at ang malasakit na ito ay nararapat ding ipakita sa mga nars mismo.